50K katao, inaasahan sa Trillion Peso March; higit 11K pulis, ide-deploy para sa seguridad
Aabot sa humigit-kumulang 50,000 katao ang inaasahang dadalo sa mga prayer at indignation rally na bahagi ng Trillion Peso March.
Nakatakdang isagawa ang Part 3 ng naturang aktibidad sa darating na February 22 at 25 sa EDSA Shrine at People Power Monument. Sabay ito sa paggunita ng 40th anniversary ng People Power Revolution.
Kaugnay niyan, magpapakalat ng mahigit 11,000 na tauhan ang Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga lalahok at ng publiko sa pagtitipon.
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., pinaghahandaan ng kapulisan ang malakihang pagtitipon sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon at operational readiness upang mapanatiling ligtas ang mga kalahok at ang publiko.
Bukod dito, nakatakda ring magsagawa ng coordination conference ang pulisya kasama ang mga organizer upang plantsahin ang permit processing at final operational plans para sa mga aktibidad.
Ang deployment ay isasagawa sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations na pangungunahan ng mga police district sa Metro Manila, katuwang ang intelligence at mobile units upang palakasin ang seguridad sa mga lugar ng pagtitipon.
Magbibigay rin ng suporta ang mga regional communication unit, traffic control, explosive ordnance disposal, at medical response upang matiyak ang maayos na crowd management at mabilis na pagtugon sa anumang insidente. #
