Mga teenager sa likod ng viral school threat sa Angeles, isasailalim sa intervention
Natunton na ng mga otoridad ang mga menor de edad na nasa likod ng kumalat na video sa social media kaugnay ng umano’y pagbabanta ng pananaksak sa Cutud Elementary School sa Angeles City.
Batay sa post ng Barangay Cutud Public Information Office nitong Sabado, July 25, pawang mga bata ang sangkot sa naturang viral video.

Dinala sila sa barangay hall kasama ang kanilang mga magulang at guardian. Ipinaliwanag ng mga bata na prank lamang umano ang naturang video at wala silang intensyong isagawa ang ipinakitang pagbabanta.
Gayunman, nagdulot pa rin ng pangamba sa publiko ang naturang video. Dahil dito, isasailalim ang mga menor de edad sa intervention, counselling, at community service upang mabigyan sila ng tamang gabay at maipaliwanag ang epekto ng kanilang ginawa.
Samantala, sinabi ng barangay na natunton na rin ang iba pang kaparehong video na kumakalat online at patuloy na itong inaaksyunan ng mga kinauukulan.
Nanawagan naman ang Brgy. Cutud sa publiko na maging mapagmatiyag at makipagtulungan sa mga otoridad upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa komunidad. #
