Mga nagpo-post ng AI-generated police image, pwedeng makasuhan: PNP
Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging responsable sa paggawa at pagbabahagi ng AI-generated images na nagpapakitang nakasuot ng police uniform ang isang sibilyan.
Ayon sa pambansang kapulisan, maaaring pagmulan ng kalituhan ang mga larawang digitally generated o altered, lalo na kung hindi malinaw na AI-generated ito at maaaring mapagkamalang tunay na police personnel ang nasa larawan.
“Para sa aming mga pulis, ang uniporme ay hindi lang simpleng kasuotan. Kapag isinuot mo ito, dala mo ang isang tungkulin at responsibilidad sa taong-bayan. Kaya mahalaga na hindi ito magamit sa paraang maaaring magbigay ng maling pagkakakilanlan o impresyon sa publiko,” pahayag ng PNP.
Binigyang-diin ng PNP na ang hindi otorisadong paggamit ng police uniform o insignia, kabilang ang paggamit nito sa AI-generated content na inilalabas online, ay maaaring magkaroon ng paglabag sa batas.
Saklaw umano ito ng Article 179 ng Revised Penal Code o Illegal Use of Uniforms or Insignia. Kapag isinagawa naman daw ang naturang paglabag online, maaaring pumasok ang Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, na pwedeng magresulta sa mas mabigat na parusa depende sa aktuwal na paglabag at paggamit ng content.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi layunin ng PNP na pigilan ang paggamit ng AI, kundi hikayatin ang publiko na gamitin ito nang responsable upang maiwasan ang maling pagkakakilanlan at posibleng pananagutan.
