Mga murang pabahay, target itayo ng BCDA sa Tarlac
Plano ngayon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na makipagtulungan sa mga South Korean at local company upang magtayo ng 6.1-ektaryang pabahay sa New Clark City, Tarlac.

Kabilang sa mga kumpanyang kasali sa proyekto ang Sta. Clara International Corporation (SCIC), Saekyung Realty Corporation, at Korea Overseas Infrastructure and Urban Development Corporation (KIND). Tinatayang aabot sa ₱4.8 bilyon ang pondong ilalaan para sa pagpapatayo ng pabahay.
Sa ilalim ng plano, itatayo ang 12 high-density residential buildings na may kabuuang 3,320 housing units. Mula rito, 2,600 units sa siyam na gusali ang ilalaan para sa open market, habang 720 units sa tatlong gusali ang magiging bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Ang proyektong ito ay alinsunod sa inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makapagbigay ng abot-kayang pabahay sa mga pamilyang may mababang kita.
Bukod sa mga tirahan, kasama rin sa plano ang pagtatayo ng mga modernong imprastraktura at mahahalagang pasilidad tulad ng green spaces, parke, maayos na kalsada, drainage systems, fire protection measures, at disaster-ready structures. Magkakaroon din ng retail at commercial spaces, pati na sports at leisure facilities upang mapalakas ang pagkakaisa sa komunidad.
Ayon kay BCDA President at CEO Joshua M. Bingcang, maliban sa pagbibigay ng tirahan, inaasahang magbubukas ito ng trabaho, magpapasigla ng pamumuhunan, at magpapalakas ng ekonomiya sa Central Luzon.
Matatandaang noong 2023, lumagda ang BCDA at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa isang kasunduan para simulan ang unang mga pabahay sa ilalim ng 4PH Program sa New Clark City. #