Mga memorabilia ni Pacquiao, nasa National Sports Museum na
Pormal nang ipinagkaloob ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang ilan sa kanyang mahahalagang memorabilia sa National Sports Museum sa Pasig City nitong Martes, February 24.
Bahagi ito ng pagpreserba sa kanyang makasaysayang kontribusyon sa larangan ng boksing at sa inspirasyong naibigay niya sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga inilagak sa museo ang mga fight trunk mula sa kanyang laban kina Miguel Cotto noong 2009 at Antonio Margarito noong 2010.
Bukod pa rito ang World Boxing Council championship belt na sumisimbolo sa kanyang natatanging tagumpay bilang nag-iisang 8-division world champion sa kasaysayan ng boxing.
Para kay Pacquiao, ang mga naturang alaala ay hindi lamang personal na tagumpay kundi parte rin ng kolektibong pagmamalaki ng bansa.
Ang kanyang karera ay matagal nang kinikilala bilang simbolo ng sipag, determinasyon, at puso ng isang Pilipinong lumaban at nagtagumpay sa pandaigdigang entablado.
Para naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi lamang sa larangan ng boksing maituturing na kampeon si Pacquiao, kundi maging sa kanyang mga katangian bilang Pilipino na nagbigay ng dangal at inspirasyon sa buong bansa.
Higit pa sa kanyang mga panalo sa ring, sa paglalagak ng kanyang memorabilia sa museo, mananatiling buhay ang impluwensiya ni Pacquiao sa maraming Pilipino, lalo na sa mga kabataang atleta na patuloy na hinuhubog ang kanilang mga pangarap sa sports. #
