Mga katanungan para sa 12 babaeng nakilala ko sa tren
Quillted (quill•ted) by Ma. Anna Mikaela S. Gana
Hindi ako sumasakay ng tren. Mainit, siksikan, pagod ka na bago ka pa makarating sa iyong paroroonan. Kung babae ka, sisikapin mo pang hindi madaplisan ng hipo. Ngunit bilang isang mamamahayag, bahagi ng aking obra ang maglathala ng kuwento ng masa, at hindi ito magagawa ng isang taong hindi bahagi ng katipunan. Sa ganoong gana, kinailangan kong sumakay ng tren ngunit sa aking munting paglalakbay ay hindi rin naman ako nakagawa ng maayos na kuwento. Sa isang maikling sandali, pinag-isipan ko kung sinayang ko ba ang limampung pisong ipinambili ko na lang sana ng dalawang pakete ng biskwit. Sapagkat kagaya ng aking nabanggit, mainit, siksikan, at pagod ka na bago ka pa makarating sa iyong pinaroroonan. Gayunpaman, sa pagitan ng iilang Aba Ginoong Maria, nagkaroon ako ng pagkakataong bumuo ng labindalawang tanong para sa labindalawang babaeng nakilala ko sa tren. Marahil ay ito ang katumbas ng limampung piso.
Sa kolehiyala: Saan ka hindi sigurado?
Sa mamamahayag: Kailan mo haharapin ang sarili mong kuwento? Natatakot ka bang magtatapos ito sa isang mapait na kalabit ng gatilyo?
Sa mananayaw: Kaya mo bang sumayaw nang walang musika, o nakadepende ang iyong pag-indak sa pagtugtog ng isa pa?
Sa manlalakbay: Kapag naikot mo na ang buong mundo, mayroon ka bang uuwian?
Sa retratista: Naranasan mo na bang ngumiti sa mga lente? Kung gayon, nasabihan ka ba na nakahuhumaling ang iyong kayumangging mga mata?
Sa manunulat: Ipinangalan mo ba ang labindalawang paltos sa iyong mga kamay sunod sa labindalawang tulang hindi nakita ang liwanag ng mundo?
Sa nakikibaka: Natatandaan mo pa ba ang huling pagkakataong pinili mo ang iyong sarili?
Sa maestra: Kanino ka unang natutong lumaban?
Sa punong kusinera: Sinong humahalik sa duguan mong mga daliri?
Sa unica hija: Anong pangalan mo, giliw? Kilala mo pa ba ang iyong sarili? May maikukuwento ka ba sa akin maliban kila nanay at tatay?
Sa ina: Kailan ka huling nakabili ng kolorete? Ng kape at pandesal?
At para sa ginastos ang huling limampung piso sa pagsakay: Ano ang katumbas ng iyong pag-uwi? Isang tasa ng kanin? Dalawang pakete ng biskwit? Bakit hindi puwedeng parehas?
May mga taong inuuwian, may mga taong sinasamahan, at may mga taong dinadaanan lamang. Para sa akin, lahat ng ito ay ang bawat babaeng makikilala mo sa tren.
Makikilala mo sila sa kalagitnaan ng ingay ng siyudad, mananatili kang bahagi ng buhay nila sa katiting na oras, bababa ka sa himpilan at dadaanan mo sila nang nakayuko na para bang hindi mo ginugol ang kahabaan ng biyahe sa pagpinta ng kanilang mga kuwento, at uuwi ka sa mga katanungang hindi mo kailanman mabibigyan ng kasagutan.
Ano ngayon ang iyong gagawin? Ikaw ang tipo ng taong hindi nakakatulog kapag may hindi nasasagot. Hindi ka pa ba nasanay? Ang mundo ay talamak sa mga katanungang walang katiyakan.
Ganito na lang; sa susunod mong pagsakay ng tren, sikapin mong huwag tumingin sa kahit kanino. Marahil ay hindi mo masusulit ang limampung piso, ngunit makakauwi kang tahimik ang iyong nag-aalborotong isip.