Mga bagong banal na simbolo at istruktura, inihanda para sa proklamasyon ng Holy Rosary Parish bilang Minor Basilica
Bilang paghahanda sa makasaysayang Solemn Proclamation ng Holy Rosary Parish (HRP) bilang Minor Basilica sa June 10, inilatag na sa simbahan ang mahahalagang simbolo at istrukturang sumasalamin sa bagong katayuan nito sa Simbahang Katolika.
Kabilang sa mga bagong tampok ang imahe ni San Pedro, mga pagbabago sa Binyagan (Baptistery), ang opisyal na Papal Insignia, ang wooden-framed Papal Decree, marble heraldic inlays, at ang bagong Presider’s Chair.
- St. Peter the Apostle

Isa sa mga pangunahing idinagdag sa loob ng simbahan ang nakaupong imahe ni San Pedro (St. Peter) na likha ng kilalang Kapampangan artist na si Ardie De Dios ng Betis, Pampanga. Inilagay ito sa tapat ng altar ng Apung Mamacalulu bilang paalala ng apostolic foundation ng Simbahan at bilang paanyaya sa mga deboto na pagnilayan ang buhay at kwento ni San Pedro.
- Doorway to Salvation

Binigyang-buhay rin ni Ardie De Dios ang Baptistery o Binyagan sa pamamagitan ng bagong Baptismal Font Cover at Ambry. Ang font cover ay may disenyong hango sa mga kwento ng Tubig ng Kaligtasan sa Bibliya at pinatungan ng imahe ng muling pagkabuhay ni Kristo.
Samantala, ang Ambry na pinaglalagyan ng mga Banal na Langis ay nagpapakita sa Panginoong Hesukristo bilang “The Anointed One.” Naglalarawan ito sa kahalagahan ng tatlong banal na langis na ginagamit sa paggaling, paghahanda sa binyag, at sa mga sagradong sakramento tulad ng Kumpil at Holy Orders.
- Seals of the Fisherman: The newly installed Papal Insignia

Bilang tanda ng mas malapit na ugnayan ng parokya sa Roma, inilagay din ang bagong Papal Insignia na nagtatampok sa crossed keys ni San Pedro at sa tiara ng Papa. Ginawa ni Lincoln Uson ng Fiberwerx mula sa Angeles City ang dambuhalang insignia sa simboryo (dome) upang magsilbing tanglaw ng pananampalataya.
Habang ang mga insignia sa portico (balkonahe sa harapan) at mga haligi ng simbahan ay likha ni Bong Lagman ng Betis Precast. Ang mga emblem na ito ang pormal na sumasalubong sa mga deboto at pilgrim upang ipaalala na ang simbahang ito ay may espesyal na ugnayan sa Roma.
- Decree of Concession

Upang bigyang-dangal ang opisyal na dokumento ng Papa na naggagawad ng titulong Minor Basilica sa parokya, binuo ang isang wooden frame para sa Decree of Concession. Nililok ito ng tanyag na ecclesiastical artist na si Rolando Flores ng RNF Furniture mula sa Betis, Pampanga.
Ang naturang frame ay may mga ukit ng Culiat vines bilang pagkilala sa kasaysayan ng Angeles City (Baryo Culiat), at pinalamutian ng rostrillo na sumisimbolo sa patron ng parokya. Sa itaas nito, nakalagay ang Papal Insignia bilang tanda na ang parangal ay direktang nagmula sa Santo Papa.
- The Sacred Pathway: The Marble Heraldic Inlay

Masisilayan din sa center aisle ng simbahan ang tatlong magagandang mosaic na gawa sa marmol na likha ng Teresa Marble Corporation mula Pasig City. Ang mga permanenteng disenyong ito ay nagsisilbing gabay ng mga mananampalataya habang naglalakad patungong altar.
Ipinapakita sa tatlong mosaic ang Papal Insignia, ang Coat of Arms ng Archdiocese of San Fernando, at ang Coat of Arms ng mismong Minor Basilica at Parokya ng Our Lady of the Most Holy Rosary.
- The New Permanent Marble Presider’s Chair

Isang bagong permanenteng Presider’s Chair na yari sa marmol ang inilagay sa santuwaryo. Gawa naman ito ng Sambo Marble Supply mula sa Tagulod, City of San Fernando, at nagsisilbing simbolo ng pamumuno ng pari bilang kinatawan ni Kristo.
Ang simple ngunit marangal na disenyo nito ay hindi upang umagaw ng pansin, kundi para iayon ang dignidad sa mga banal na misteryong ipinagdiriwang sa altar. Ang upuang ito ay tatayong saksi sa mga susunod na henerasyon ng Banal na Misa, mga sakramento, at communal prayers sa basilica.
- The Umbraculum

Tampok din sa loob ng Pisamban Maragul ang Umbraculum o ang makasaysayang papal umbrella bilang isa sa mga pangunahing simbolo ng pagiging Minor Basilica.
Ayon sa parokya, sumasagisag ang Umbraculum sa natatanging ugnayan ng basilica sa Vatican at sa Santo Papa.
Ang simbolong ito, na may tradisyunal na kulay pula at dilaw, ay ginawa ng N.G. Ecclesiastical Tailoring sa Pateros at mananatiling nakapwesto sa loob ng simbahan bilang tanda ng bagong katayuan ng Holy Rosary Parish.
###
