Mahigit 300 pet owners, nanawagan ng transparency sa pet cremation services; demand letter, ipinadala sa management
Sa gitna ng kontrobersiya sa pet cremation services sa Bulacan, mahigit 300 pet owners ang naghain ng formal demand letter sa pamunuan ng Loyal Pet Cremation Pampanga upang humingi ng paglilinaw at dokumentasyon sa proseso ng cremation ng kanilang mga namatay na alaga.
Sa panayam ni Paulo Gee Santos ng CLTV36 News, ibinahagi ni pet owner Maan Joy Manalang ang kanyang pangamba matapos ipagkatiwala sa kumpanya ang labi ng kanyang alagang si Bethune.
Sa demand letter na may petsang November 4, 2026, na ipinadala kay Dr. Kean Edward P. Maniego sa pamamagitan ni Atty. Ana Margarita M. Perez, hinihiling ng mga pet owner ang kumpletong cremation records, mga larawan o video ng proseso, detalye ng chain of custody, pagkakakilanlan ng mga third-party cremation facility, at posibilidad na masuri ang mga pasilidad.
Binigyan ang kumpanya ng 10 araw mula sa pagtanggap ng liham upang magsumite ng nakasulat na paliwanag at mga kaukulang dokumento.
Iginiit sa liham na hindi ito direktang akusasyon ng malpractice, kundi panawagan para sa transparency, accountability, at katiyakang ang mga abong ibinalik sa kanila ay tunay na mula sa kani-kanilang alaga.
Patuloy namang hinihingi ng CLTV36 News ang panig at opisyal na pahayag ng pamunuan ng Loyal Pet Cremation Pampanga kaugnay ng mga isyung inilatag sa liham.
Nililinaw rin na hiwalay ang Loyal Pet Cremation Pampanga sa pet cremation provider na nasangkot sa kontrobersiya sa Bulacan at wala pang napapatunayang kaparehong paglabag laban sa kumpanya. #
