Kabalen na si IC Calaguas, bagong Undersecretary ng DOTr
Itinalaga bilang Undersecretary ng Department of Transportation (DOTr) ang Kapampangan na si Irish “IC” Calaguas, mula sa dating posisyon bilang Assistant Secretary, kung saan pinangunahan niya ang right-of-way at site acquisition para sa mga pangunahing railway project ng pamahalaan.
Nanumpa si Calaguas bilang Assistant Secretary for Right-of-Way Acquisition for Rail and Road noong April 14, 2025, sa ilalim ng pamumuno noon ni Transportation Secretary Vince Dizon.
Kabilang sa kanyang mga pangunahing tungkulin ang pagpapabilis ng land acquisition, pagresolba sa mga usapin sa right-of-way, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng malalaking transport infrastructure project, partikular ang North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway Project.
Sa Central Luzon, naging aktibo si Calaguas sa pagmomonitor ng right-of-way acquisition at relokasyon ng mga pamilyang apektado ng NSCR sa Pampanga at Bulacan.
Noong September 29, 2026, kasama rin siya sa inspeksyon sa Clark Station at iba pang pasilidad ng NSCR Extension Project, na inaasahang magpapalakas sa koneksyon ng Metro Manila, Bulacan, at Pampanga.
Bago pumasok sa DOTr, nagsilbi si Calaguas bilang Vice President for Operations ng Clark International Airport Corporation. Naging Deputy Director General for Administration at Chief of Staff din siya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ng dating Director General na si Aaron Aquino.
Nagsilbi rin siyang Chief of Staff ni dating Pampanga First District Representative Carmelo “Tarzan” Lazatin, Chief Adviser ni noo’y Angeles City Mayor Pogi Lazatin at naging bahagi ng COVID-19 response ng nasabing Syudad.
Ang kanyang pagkakatalaga bilang Undersecretary ay kasabay ng pagbabalik ng kapwa Kapampangan na si Vince Dizon bilang kalihim ng DOTr noong October 26, 2026. #
