5 sasakyan, nagkarambola sa Guagua; driver ng tractor truck, posibleng kasuhan
Tractor truck ang itinuturong may pananagutan sa nangyaring karambola ng limang sasakyan sa bahagi ng Jose Abad Santos Avenue (JASA) sa Guagua, Pampanga nitong Lunes, November 9.
Sa panayam mismo ng CLTV36 News kay Guagua chief of police, Police Major Jaime Edejer sinabi niyang apat sa mga sasakyan ang patungong Lubao, habang ang isang Toyota Vios ay bumibiyahe naman patungong City of San Fernando.
Nasa gitna umano ng kalsada at nakahinto ang isang Mitsubishi Montero at dalawang closed van habang nagbibigay-daan sa sasakyang nasa unahan na liliko pakanan.
Dito na umano dumating ang tractor truck na mabilis ang takbo at bumangga sa tatlong nakahintong sasakyan.
Sa lakas ng impact, napunta raw sa kabilang direksyon ang unahang bahagi ng truck at sumalpok naman sa kasalubong na Toyota Vios kaya nagkaron ng head-on collision.
Dalawang sakay ng Vios ang nagtamo ng malubhang pinsala. Nasa stable condition ang driver habang nasa kritikal na kondisyon at naka-confine sa Intensive Care Unit ang pasahero sa Mount Carmel Hospital. Ilang sakay naman ng dalawang closed van ang nagtamo ng minor injuries.
Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries laban sa driver ng tractor truck.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente. #
