Mahigit ₱6-M na ilegal at expired food products, nasamsam sa Bulacan at Tarlac
Umabot sa ₱6.6-milyong halaga ng ilegal at expired food products ang nasamsam sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bulacan at Tarlac.


Sa operasyon sa Marilao, Bulacan, nitong March 25, nag-inspeksyon ang pinagsanib na puwersa ng pulisya, Food and Drug Administration Regional Field Office 3, at Business Permits and Licensing Office ng Marilao sa isang warehouse sa Brgy. Patubig.
Naaresto rito ang isang Chinese national, na umano’y warehouse manager, dahil sa paglabag sa Consumer Act, Food Safety Act, local ordinance, at iba pang umiiral na batas.

Natuklasan sa loob ng bodega ang malaking bulto ng imported na pagkain gaya ng cured meat, mantika, mga sarsa, bamboo shoots, noodles, at syrup products na walang sapat na dokumento partikular sa delivery, procurement, at regulatory compliance.
Tinatayang aabot sa ₱5-million ang halaga ng mga nasamsam na produkto.
Samantala, sa hiwalay na operasyon noong March 24, nagsagawa ng buy-bust operation ang parehong grupo kasama ang CIDG Tarlac at Bamban Municipal Police Station sa Brgy. Anupul.
Nadakip ang isang barangay councilor matapos mahuling nagbebenta ng expired food products.

Nilabag nito ang batas para sa proteksyon mga consumer at RA 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009.
Narekober sa operasyon ang halos 19,800 pieces ng expired noodles, snack items, at iba pang consumer goods na nagkakahalaga ng tinatayang ₱1.6-million.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga naarestong suspek at mga ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 3, magpapatuloy ang kanilang intelligence-driven operations, katuwang ang iba’t ibang ahensya, upang matiyak na ligtas at sumusunod sa pamantayan ang mga produktong umaabot sa merkado. #
