Magparehistro para sa 2026 Barangay at SK Elections bago ang May 18 deadline: Comelec

Bukas na muli ang mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa buong bansa simula Martes, April 7, kasabay ng pagpapatuloy ng voter registration activities para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.
Ayon sa komisyon, balik-operasyon na ang lahat ng kanilang opisina matapos itong isara noong Huwebes Santo at Biyernes Santo bilang paggunita sa Semana Santa.
Hinihikayat nila ang publiko na samantalahin ang nalalabing panahon para makapagparehistro bago magsara ang nationwide registration sa May 18.
Samantala, ipinatutupad din ng poll body ang work-from-home setup tuwing Lunes bilang suporta sa four-day workweek program ng pamahalaan para sa energy conservation.
Batay sa latest report ng Comelec, umabot na sa mahigit 3.7 milyong aplikasyon ang kanilang naiproseso hanggang March 31, 2026 mula nang magsimula ang voter registration noong October 20, 2025.
Pinakamaraming aplikante pa rin ang naitala sa Calabarzon na may 610,859. Sinundan ito ng Central Luzon na mayroong mahigit 400,000 at National Capital Region na nasa mahigit 350,000.
Habang pinakamababa naman ang bilang ng registrants sa Cordillera Administrative Region na may 50,465 applicants.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng Comelec ang mga kwalipikadong botante na huwag ipagpaliban ang pagpaparehistro bago ang itinakdang deadline. #
