Lolo sa Nueva Ecija, arestado sa panggagahasa sa sariling anak at apo
Hindi lamang sariling anak, kundi pati ang 11-anyos niyang apo ang umano’y biktima ng panggagahasa at pang-aabuso ng isang 60-anyos na lalaki na inaresto sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Huwebes, October 8.
Batay sa imbestigasyon ng Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG), inabuso umano ng suspek ang kanyang anak mula 2015 hanggang May 2026. 10 taong gulang pa lamang daw ito nang magsimulang mangyari ang insidente.
Bukod ito, inakusahan din siyang gumahasa at nang-abuso sa kanyang apo sa magkakahiwalay na pagkakataon mula 2022 hanggang 2025, na 11-anyos noon.
Dahil sa trauma, nagsumbong daw ang anak ng suspek sa kanyang nakatatandang kapatid matapos ang huling insidente noong May 2026. Agad silang humingi ng tulong sa CIDG-Women and Children Complaints Unit.
Nagsampa ng mga kasong kriminal ang CIDG sa Tanggapan ng Piskal sa Cabanatuan City noong June 3. Naglabas naman ng 11 warrant of arrest laban sa suspek nitong October 7 bago siya nadakip kinabukasan.
Ayon sa CIDG, nahaharap ang 60-anyos na salarin sa mga kaso ng rape, rape by sexual assault, qualified statutory rape, acts of lasciviousness, at paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong rape at qualified statutory rape. #

