Lalaki sa Nueva Ecija, arestado sa pagpatay sa sariling pinsan
Arestado ng pulisya ang isang 27-anyos na lalaki na itinuturing na suspek sa pagpatay sa kanyang 22-anyos na pinsan sa San Jose City, Nueva Ecija nitong Miyerkules ng madaling araw, May 20.
Batay sa ulat ng mga otoridad, mabilis na naaresto ang suspek matapos siyang makilala sa tulong ng mga nakalap na CCTV footage sa lugar. Sa mga nakuhang video, malinaw na nakitang magkasamang umalis sakay ng isang motorsiklo ang suspek at ang biktima, na taga-Lupao, galing sa isang sesyon ng inuman kasama ang isa pa nilang kaibigan.
Huling namataan ang dalawa na binabagtas ang isang madilim na bahagi ng irigasyon sa Barangay Malasin. Makalipas ang ilang minuto, nakita sa camera na mag-isa na lamang na bumalik ang suspek sakay ng kanyang motor.
Pagsapit ng umaga, natagpuan ng isang grupo ng mga nagjo-jogging ang biktima na wala nang buhay sa tabing-daan. Sa pagsisiyasat ng mga pulis, napag-alamang nagtamo ito ng malubhang sugat sa likod ng ulo.
Sa gitna ng interogasyon ng pulisya, tuluyang umamin ang suspek sa nagawang krimen. Sa kanyang salaysay, matinding selos ang nagtulak sa kanya upang gawin ito. Ibinunyag din ng suspek sa mga otoridad na may lihim umano silang relasyon ng biktima.
Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng San Jose City Police ang salarin habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa opisyal na pagsasampa ng kasong murder laban sa kanya. #
