Grade 5 student sa Pampanga, kritikal matapos saksakin ng 14-anyos na kalaro
Agaw-buhay ngayon sa ospital ng isang 11-anyos na babae matapos siyang bugbugin at saksakin diumano ng kanyang kalaro na isa ring menor de edad sa loob ng isang abandonadong bahay sa Arayat, Pampanga nitong May 22.
Kinilala ang biktimang si “Nena,” isang Grade 5 student, habang ang suspek naman ay ang 14-anyos na si “Justine.” Dahil sa kanyang edad, itinuturing ang batang suspek bilang isang Child in Conflict with the Law (CICL).

Batay sa ulat ng mga pulis, naganap ang pananakit sa Barangay Paralaya bandang tanghali ng nabanggit na araw. Gayunpaman, kinabukasan pa ito pormal na naiparating sa mga otoridad sa tulong ng mga opisyal ng barangay.
Sa paunang imbestigasyon, inaya umano ng salarin ang biktima na magpunta sa abandonadong gusali para tingnan raw ang isang patay na aso sa loob nito. Pagkapasok sa abandonadong bahay, doon na umano ginawa ng suspek ang pananakit sa kanyang kalaro.
Ayon pa sa mga otoridad, pinigilan pa ng suspek ang biktima na sumigaw at humingi ng saklolo sa mga kalapit-bahay.
Subalit dahil lumaban ang biktima, nataranta ang suspek. Sa mga nakuhang CCTV sa lugar, nakitang siya mismo ang tumawag ng mga tao para humingi ng tulong, kung saan idinahilan niya na natagpuan lamang niya ang naturang bata.
Agad na isinugod ang biktima sa isang ospital sa City of San Fernando, Pampanga, kung saan patuloy siyang sumasailalim sa masusing gamutan.
Samantala, inilipat na ang kaso sa Arayat Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kaukulang interbensyon alinsunod sa batas para sa mga menor de edad habang patuloy ang imbestigasyon. #
