Kotse, nahulog sa hukay sa Angeles City; AEC, sinabing secured ang excavation area
By Noel Celeste, CLTV36 News
Nahulog sa excavation pit ang isang pribadong kotse matapos mabangga ang mga safety barrier sa relocation site ng Angeles Electric Corporation (AEC) sa kahabaan ng Sto. Entierro Street, Brgy. Sto. Cristo, Angeles City madaling araw nitong Sabado, July 25.

Ayon sa AEC, ginagamit ang lugar para sa paglilipat ng mga linya ng kuryente na apektado ng isinasagawang North-South Commuter Railway (NSCR) o Malolos-Clark Railway Project ng Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ng AEC na bago ang insidente ay may nakalagay nang safety perimeter fences, signs, at warning lights sa lugar, at naaprubahan din ng Angeles City Traffic Management Office ang ipinatutupad na traffic management plan.
Kasunod ng pagkahulog ng kotse, muling in-install ng contractor ng AEC ang mga safety barrier at babala sa lugar. Naalis na ang naturang sasakyan ngayong Lunes, July 27.
Patuloy namang nakikipagtulungan ang AEC sa mga lokal na otoridad sa imbestigasyon ng insidente at muling pinaalalahanan ang mga motorista na mag-ingat at sundin ang mga traffic signs sa mga lugar na may isinasagawang proyekto. #
