Kooperasyong Ph-Japan sa agrikultura at seguridad, pinalalakas
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Muling iginiit ni Japanese Prime Minister Ishiba Shigeru ang matatag na suporta ng Tokyo sa pagpapalawak ng ugnayang bilateral sa Pilipinas, lalo na sa larangan ng seguridad, agrikultura, kalakalan, at kaunlarang pang-ekonomiya.
Sa isang joint press conference kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang Palace nitong Martes, April 30, binigyang-diin ni PM Ishiba ang hangaring palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pagtataguyod ng seguridad sa karagatan at pagpapasigla ng ekonomiya.

Ibinahagi rin ni Ishiba na naging bukas at maayos ang talakayan nila ni Pangulong Marcos tungkol sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig, kabilang ang seguridad sa pagkain, enerhiya, at katatagan ng ekonomiya. Inihayag din niya ang intensyong paigtingin pa ang kooperasyon sa sektor ng agrikultura.
Kaugnay ng seguridad sa rehiyon, sinabi ng Prime Minister na mahalaga ang pagpapanatili ng kapayapaan sa Indo-Pacific region at nanawagan ng patuloy na komunikasyon sa pagitan ng dalawang bansa upang maisulong ang isang “free and open Indo-Pacific” na nakabatay sa batas.
Binigyang-halaga rin niya ang kontribusyon ng mga Japanese companies sa ekonomiya ng Pilipinas at tiniyak ang suporta ng kanyang pamahalaan sa mas epektibong pagtugon sa mga hamon ng mga ito. #
