Kolehiyala, patay matapos mahulog sa tricycle isang araw bago ang graduation
Nasawi ang isang 23-anyos na estudyante matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo nang umano’y mahulog mula sa isang tricycle sa Balagtas, Bulacan, isang araw bago ang kanyang graduation.
Sa kuha ng CCTV sa Brgy. Burol, makikitang sumakay ang biktima sa tricycle bandang 11 PM nitong Miyerkules, July 8. Ilang sandali lamang ang lumipas nang marinig sa kalapit na camera ang malakas na kalabog, kasunod ang paghingi ng saklolo ng mga residente.
Kwento ng driver, bigla umanong nahulog ang pasahero habang bumibiyahe. Ngunit kinuwestiyon ito ng pamilya ng biktima, na sinabing hindi agad natulungan ng driver at ng kapatid nitong kasama sa tricycle ang walang malay na dalaga.
Sa halip na agad madala sa ospital matapos hindi tanggapin ng isang klinika dahil sa kakulangan ng kagamitan, dumaan pa umano ang mga suspek sa mga opisyal ng barangay. Dito na umano nagbago ang pahayag ng driver at sinabing kusang tumalon ang estudyante mula sa tricycle.
Dinala pa umano ang biktima sa bahay ng isang kamag-anak bago tuluyang naisugod sa ospital, kung saan siya binawian ng buhay.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente, habang itinuturing ngayon bilang mga pangunahing suspek ang driver at ang kapatid nitong kasama sa tricycle. Naghahanda naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaukulang reklamo.
Samantala, sa isang social media post, iginiit ng isa sa mga suspek na wala silang pananagutan sa nangyari at handa raw siyang makipagtulungan sa pamilya. Ibinahagi rin niya na ibinebenta na niya ang tricycle na nasangkot sa insidente. #
