Kauna-unahang testing facility ng mga paputok at pailaw, itatayo sa Bulacan
Isang pasilidad para sa pagsusuri at sertipikasyon ng mga paputok at pailaw ang nakatakdang itayo sa Bulacan upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong ginagawa sa lalawigan.
Tatawaging Bulacan Spark Lab ang kauna-unahang testing facility para sa pyrotechnics sa bansa, na itatayo sa Bulacan State University (BulSU) sa ilalim ng programa ng Department of Science and Technology (DOST).

May inisyal na pondong ₱27-million ang proyekto, na nakapaloob sa 2027 National Expenditure Program. Gagamitin ito para sa pagtatayo ng pasilidad at pagbili ng mga kinakailangang kagamitan.
Sa oras na maging operational, dito isasailalim sa iba’t ibang pagsusuri ang mga paputok at pailaw bago irekomenda para sa certification ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa mga opisyal, inaasahang makatutulong ang pasilidad sa pagpapatupad ng mas mahigpit na quality standards at safety measures sa industriya ng pyrotechnics, habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng mga manggagawa, negosyante at mamimili.
Kilala ang Bulacan bilang pangunahing sentro ng paggawa at bentahan ng mga paputok at pailaw kaya inaasahan ding magiging magiging mahalagang bahagi ang proyekto sa pagpapalakas ng lokal na industriya. #
