Central Luzon, pinaiigting ang paghahanda sa posibleng pagtama ng ‘The Big One’
Hindi lang Metro Manila ang posibleng tamaan ng pinangangambahang “The Big One.”
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region 3, mayroon ding malalaking fault system din sa Central Luzon na maaaring magdulot ng hanggang Intensity 8 na lindol.
Ito ang isa sa mga pangunahing paksang tinalakay sa National Disaster Resilience Month (NDRM) Kapihan with the Media na isinagawa sa Clark Freeport Zone nitong Miyerkules, July 15.

Ayon kay OCD-III Office-in-Charge Regional Director Shelby Ruiz, pinalakas at binago na ng ahensya ang kanilang contingency plans noong 2023 katuwang ang PHIVOLCS upang masaklaw hindi lamang ang banta mula sa West Valley Fault, kundi maging ang iba pang fault systems na maaaring makaapekto sa rehiyon.
Binigyang-diin din ni Ruiz na mayroon nang anim na Collapse Structure Search and Rescue (CSSR) teams sa Central Luzon na binubuo ng 72 trained at fully equipped rescuers.
Aniya, mahigpit na rin ang polisiya ng OCD dahil hindi na papayagang sumailalim sa CSSR training ang isang local government unit (LGU) kung wala itong sariling life-saving at life-detection equipment upang matiyak na kaya nitong tumugon agad sa oras ng sakuna.
Agarang ayuda sa oras ng sakuna
Samantala, sinabi ni Disaster Response Management Division Section Head Gerry Lianco ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinalawak na ng ahensya ang kapasidad nito sa pagtugon sa mga sakuna.
Mula sa limitadong imbakan noon, mayroon na aniyang mahigit 50 pre-positioned warehouses sa buong rehiyon na naglalaman ng food at non-food items. Patuloy rin ang kanilang pagsasanay sa 137 LGUs para sa maayos na pamamahala ng evacuation centers at pagbibigay ng psychological interventions sa mga maaapektuhang pamilya.
Target din daw ng ahensya na maitayo ang Central Luzon Hub sa Clark na magsisilbing Emergency Operations Center (EOC) at sentro ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya sakaling magkaroon ng malawakang sakuna.
Disaster preparedness sa bawat komunidad
Para naman matiyak na umaabot hanggang sa pinakamaliliit na komunidad ang kahandaan sa sakuna, ipinaliwanag ni Philip Nathan Moral ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang programang “Siglabay.”
Aniya, hindi sapat na mga opisyal lamang ng LGU ang may kaalaman sa disaster preparedness. Mahalaga ring maturuan ang bawat pamilya at kabahayan upang alam nila ang tamang gagawin bago, habang at pagkatapos ng lindol.
Target ng DILG na magsagawa ng malawakang Training of Trainers (TOT) para sa programang “Siglabay” sa lahat ng lalawigan at highly-urbanized cities sa Region 3 upang mapalakas ang kakayahan ng bawat komunidad na harapin ang mga sakuna.
Siyentipikong paghahanda sa sakuna
Sa siyentipikong aspeto, tiniyak naman ni Rhenz Galang ng Department of Science and Technology (DOST) na patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng PHIVOLCS sa mga fault at iba pang aktibidad ng lupa sa bansa.
Bagama’t wala pang teknolohiyang kayang matukoy ang eksaktong oras ng pagtama ng isang malakas na lindol, sinabi niyang malaking ambag ng DOST ang pagbuo ng hazard maps upang makatulong sa disaster planning at pagtatayo ng mas ligtas na mga imprastraktura.
Binigyang-diin ng OCD-III na hindi ang mismong lindol ang pangunahing kumikitil ng buhay ng mga tao, kundi ang pagbagsak ng mga marurupok na istruktura at kakulangan sa wastong kaalaman at paghahanda.
Hinimok ng ahensya ang publiko na aktibong makilahok sa mga earthquake drill at iba pang disaster preparedness programs, upang mabawasan ang pinsala at mas maraming buhay ang mailigtas sa oras ng sakuna. #
