Kasong graft laban kay Mayor Malu, 10 iba pa, isinampa sa Ombudsman
Sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman si Magalang, Pampanga Mayor Malu Paras-Lacson at 10 iba pa kaugnay ng mga isyung nakapalibot sa kontrobersyal na Chuangxing Steel, Inc..
Naghain ng reklamo ang United Pilipinos Against Crime and Corruption (UPACC) dahil sa umano’y graft and corruption, conflict of interest, abuse of authority at unexplained wealth.
Ayon kay UPACC Chairperson Pyra Lucas, kabilang sa iniimbestigahan ang umano’y koneksyon ng pamilya Lacson sa Kingsmen Manpower, na sinasabing nagsu-supply ng manpower sa Chuangxing Steel. Kabilang din sa reklamo ang umano’y labor violations at paggamit ng lupang kinatitirikan ng planta.
Matatandaang ni-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang planta noong July 18, na umano’y nakitaan ng substandard steel products at radioactive materials.
Kinumpirma rin ng NBI sa isang Senate hearing noong September 3 na steel bar mula sa Chuangxing ang ginamit sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago, Angeles City noong Mayo.
Hiniling din ng UPACC na maimbestigahan ang umano’y mahigit ₱154 million assets na idineklara ni Lacson mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang pinagmulan ng mga ito. Hiniling din ng grupo ang preventive suspension ng mga respondent habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ang mga ito ay alegasyon pa lamang at kailangan pang dumaan sa proseso ng Ombudsman, at hindi pa nangangahulugang guilty ang alkalde.
Nagpaabot na ng imbitasyon ang CLTV36 News kay Mayor Lacson upang kunin ang kanyang panig hinggil sa reklamo. Bukas din ang istasyon para sa pahayag ng iba pang respondent. #
