Kabuhayan at kalikasan sa Bataan, nanganganib sa planong rehabilitasyon ng BNPP: envi group

Hindi lang daw kaligtasan ng mga residente ang nakataya sa planong pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), kundi pati ang kabuhayan ng mga umaasa sa sektor ng pangingisda, pagsasaka, at turismo sa lalawigan.
Ito ang babala ng Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) sa gitna ng patuloy na pagtutol sa rehabilitasyon ng planta sa Morong, Bataan.
Muli itong naging sentro ng usapin kasunod ng pahayag ni President Ferdinand Marcos, Jr. tungkol sa kahalagahan ng murang kuryente para sa publiko.
Bilang pagtutol, nagsagawa ng kilos-protesta ang grupo sa gate ng BNPP, kasabay ng pagdating ng mga kinatawan sa isang supply chain forum na inorganisa ng Department of Energy (DOE).
Bitbit ng mga nagprotesta ang mga plakard na may panawagang itigil ang rehabilitasyon ng planta, na anila’y maaaring magdulot ng pangmatagalang panganib sa kalikasan at mga komunidad.
Ayon sa NFBM, nananatiling banta ang mga nuclear accident gaya ng nangyari sa Fukushima, Three Mile Island, at Chernobyl.
Binigyang-diin din ng grupo na mayaman sa biodiversity ang Bataan, kaya posible raw maapektuhan ang likas na yaman nito kapag muling pinaandar ang BNPP.
“Ang kabuhayan ng mga taga-Bataan ay usually nanggagaling sa pangingisda, pagsasaka at ito ay magsu-suffer nang malala. At turismo rin ay magsu-suffer, ahm, kung sakaling mabuksan ang nuclear power plant.”
Bukod sa panganib sa kalikasan at kabuhayan, kinuwestiyon din ng grupo kung makatutulong nga ba ang nuclear energy sa pagpapababa ng presyo ng kuryente, gayong malaki ang gastos at mahabang panahon ang kailangan upang makapagtayo ng mga planta.
Ayon sa NFBM, maaari namang pagtuunan ang renewable energy bilang alternatibong pinagkukunan ng kuryente na mas angkop sa Pilipinas.
Iginiit din nila na posibleng makamit ang target na 2,400 megawatts ng nuclear energy capacity pagsapit ng 2035 sa pamamagitan ng maayos na programa para sa alternative energy.
Samantala, nanawagan din ang mga kabataan mula sa Young Bataeños for Environmental Advocacy Network o YOUNGBEAN na isaalang-alang ang kinabukasan ng susunod na henerasyon sa pagpili ng mga proyektong pang-enerhiya.
“…Bilang kabataan ay future namin ang nasa risk dito at ang panawagan namin ay renewable energy o mag-transition tayo sa renewable energy na kung saan ay hindi natin iri-risk ang kalikasan na maaaring hindi na maabutan pa ng mga susunod na salinlahi.”
Para sa NFBM, hindi dapat manaig ang pangakong murang kuryente kung kapalit nito ang kaligtasan ng mamamayan at ang kinabukasan ng kapaligiran.
Nanawagan din ang grupo kay Pangulong Marcos na unahin ang kapakanan ng mga komunidad at pangangalaga sa kalikasan sa pagpili ng mga proyektong pang-enerhiya, habang patuloy nilang tinututulan ang rehabilitasyon ng BNPP. #
