Hiling ni Tarlac Rep. Rivera na pag-isahin ang paglilitis sa 9 graft cases, ibinasura ng Sandiganbayan
Ibinasura ng Sandiganbayan Sixth Division ang mosyon ni Tarlac 3rd District Rep. Noel “Bong” Rivera na pag-isahin o i-consolidate ang paglilitis sa kanyang siyam na graft cases na nakasampa sa iba’t ibang dibisyon ng anti-graft court.
Sa naturang desisyon, hindi pinagbigyan ang hiling ni Rivera na pagsamahin ang mga kaso na kasalukuyang nakatalaga sa anim na magkakaibang dibisyon ng korte.
Sa anim na pahinang resolusyon na inilabas nitong August 27, ipinaliwanag ng korte na hindi maaaring pagsamahin ang mga kaso. Magdudulot lamang daw ito ng kalituhan at pagkaantala sa paglilitis dahil magkakaiba ang mga proyekto, ebidensya, at transaksyong kinasasangkutan ng bawat kaso.
Ang siyam na graft cases ay isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y conflict of interest ni Rivera sa government infrastructure contracts noong kanyang termino mula 2022 to 2025. Ang mga naturang proyekto ay napunta sa Tarlac 3-G Construction and Development Corporation, isang kumpanyang iniuugnay sa kongresista at kanyang asawa na si Concepcion Vice Mayor Evelyn Rivera.
Sa record ng anti-graft court, lumalabas na pagmamay-ari ng mag-asawang Rivera ang halos kabuuang shares ng kumpanya kung saan 54.84% ang sa kongresista at 45.09% naman ang sa kanyang asawa.
Ayon sa Ombudsman, sakop ng Section 3(h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang pagbabawal sa isang public official na magkaroon ng direkta o hindi direktang financial o pecuniary interest sa government contract o transaction na may kaugnayan sa kanyang opisina.
Nag-ugat ang mga kaso sa reklamong inihain ni United Pilipino Against Crime and Corruption o UPACC founder Pyra Lucas, na nag-akusa sa mag-asawang Rivera ng umano’y pagkakaroon ng interes sa mga proyektong nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.
Nauna nang itinanggi ni Rivera ang mga alegasyon ng korapsyon at sinabing handa niyang harapin ang mga reklamo sa korte upang linisin ang kanyang pangalan.
Samantala, sinabi ni Lucas na bagama’t mahalagang development ang pag-usad ng siyam na graft cases, hinihintay pa rin ng UPACC ang magiging aksyon ng Ombudsman hinggil sa plunder complaint na kasama sa orihinal nilang isinampa laban sa mga respondent.
“The most awaited is plunder. We care more about accountability with no bail. I believe the Ombudsman will rule what is a must,” pahayag ni Lucas.
Para sa UPACC, ang susunod na mahalagang development ay kung makakakita ang Ombudsman ng sapat na basehan upang maisampa rin sa Sandiganbayan ang kasong plunder— isang hiwalay at mas mabigat na usapin dahil ang plunder ay itinuturing na capital offense na walang kaakibat na piyansa kapag napatunayang matibay ang ebidensya. #
