NLEX, naghahanda sa posibleng 20% pagtaas ng trapiko ngayong Undas
By Raymond Tasoy & Noel Celeste, CLTV36 News
Inaasahang tataas nang hanggang 20% ang dami ng mga sasakyang daraan sa North Luzon Expressway (NLEX) sa mga peak hours simula October 29 hanggang sa mga araw pagkatapos ng Undas.
Kaya naman puspusan na raw ang paghahanda ng pamunuan nito ng mga maaaring hakbang upang mapabilis ang daloy ng trapiko.
Ayon sa NLEX management sa panayam sa “Abak na Balen” nitong Lunes, October 26, posibleng bumagal ang daloy ng mga sasakyan sa oras ng pagdagsa ng mga biyahero. Nakahanda naman daw silang magpatupad ng counterflow kung kinakailangan at kung ligtas ang kabilang direksyon.
Bilang paghahanda, pansamantalang sususpindihin ang road works at lane closures sa buong expressway mula October 29 hanggang November 3. Bubuksan din ang lahat ng lane para sa mga motorista sa nasabing panahon.
Magdaragdag din ng mga traffic patrol, toll teller, response team at tow truck para agad na matugunan ang mga insidente at maiwasan ang matagal na pagsisikip ng trapiko.
Samantala, inaasahan din ng NLEX ang pagdagsa ng mga sasakyang pabalik ng Maynila mula hapon ng November 2 hanggang madaling-araw ng November 3.
Pinapayuhan ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan at may sapat na balance ang RFID bago bumiyahe. Bagama’t may mga cash lane sa lahat ng toll plaza, inaasahang mas mabilis ang transaksyon sa mga RFID lane.
Mananatili namanng bukas ang NLEX hotline na 1-35000 para sa mga nangangailangan ng road assistance. Paalala ng pamunuan, magmaneho nang maingat at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang anumang aksidente. #
