Halos 2 milyong kawani ng gobyerno, tatanggap na ng midyear bonus simula May 15

Nakatakda ngayong Biyernes, May 15, ang paglalabas ng 2026 midyear bonus para sa halos dalawang milyong kawani ng gobyerno sa buong bansa, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Umaabot sa mahigit ₱73 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa benepisyong katumbas ng isang buwang basic salary ng mga kwalipikadong empleyado gaya ng mga guro, nurse, sundalo, pulis, at iba pang empleyado ng pamahalaan.
Kabilang sa mga maaaring makatanggap ng bonus ang mga kawani na nakapaglingkod nang hindi bababa sa apat na buwan mula July 1 ng nakaraang taon hanggang May 15 ng kasalukuyang taon; nasa serbisyo pa rin hanggang May 15, at may hindi bababa sa satisfactory performance rating.
Ayon sa DBM, nauna nang inilabas ang pondo sa simula pa lang ng fiscal year upang matiyak na hindi maaantala ang pamamahagi ng bonus.
Samantala, para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan (LGUs), kinakailangan pa ang pag-apruba ng kani-kanilang sanggunian bago maiproseso ang pagpapalabas ng bonus. #
