Halos ₱500-M na ayuda, ilalaan ng DA sa mga nasalantang magsasaka at mangingisda

Magkakaloob ng hindi bababa sa ₱495.44-million na tulong ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Crising at Habagat.
Ayon sa ahensya, kabilang sa mga ipamamahaging ayuda ay mga binhi ng palay, mais, at gulay para agad na maipagpatuloy ang pagtatanim sa mga rehiyon sa Luzon na apektado ng kalamidad, kabilang na ang Region 3.


Aktibo na rin ang quick response fund ng ahensya upang agad na marespondehan ang mga nasirang sakahan, partikular na ang mga nasa planting phase pa lamang.
May nakalaan ding loan assistance na hanggang 25,000 pesos sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interes. Samantala, ang mga rehistrado at insured na magsasaka ay maaari ding mabigyan ng kabayaran sa pinsala sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Batay sa pinakahuling datos ng DA-DRRM Bulletin No. 7 nitong Martes, July 22, umabot na sa ₱134.66-million ang halaga ng pinsalang naitala sa sektor ng agrikultura, na nakaapekto sa 6,377 magsasaka at mangingisda.
Pinakamalaki ang pinsala sa sektor ng palay na umabot sa ₱121.88-million sa kabuuang 7,911 hectares sa mga lalawigan sa Luzon kabilang na ang Tarlac, Zambales, at Bataan. #
