Faculty-researcher mula CLSU, pasok sa Top 100 Researchers for 2026 ng Asia Scientist Magazine
Nagbigay ng panibagong karangalan sa Pilipinas si Dr. Garry Benico, faculty-researcher ng Central Luzon State University (CLSU), kasama ng iba pang Filipino scientists matapos silang mapabilang sa prestihiyosong Asia Scientist 100 list for 2026.

Kinilala si Benico bilang isa sa mga nangungunang researcher at innovator sa Asia-Pacific region ng Asia Scientist Magazine, dahil sa kanyang natatanging ambag sa agham, industriya, at akademya.
Ayon sa ulat, kinilala ang kanyang specialization sa aquatic biosciences, partikular sa pag-aaral ng taxonomy at biodiversity ng microalgae na may kaugnayan sa red tide sa bansa.
Malaki rin ang naging papel niya sa pagpapaunlad ng kakayahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa red tide monitoring, bukod sa pagiging reviewer ng ilang international scientific journals.
Dati na ring kinilala si Benico bilang Outstanding Young Scientist ng National Academy of Science and Technology noong 2025 dahil sa kanyang patuloy na kontribusyon sa marine science at environmental monitoring.
Samantala, kasama rin sa mga kinilala ngayong taon ang iba pang Filipino scientists mula sa University of the Philippines (UP) system, kabilang sina Mary Donnabelle Balela at Aurelio De Los Reyes V ng University of the Philippines-Diliman.

Kinilala si Balela para sa kanyang inobasyon sa paggamit ng Kapok fibers bilang biodegradable oil spill sorbents, habang si Reyes ay pinarangalan dahil sa ambag niya sa mathematical science.
Mula naman sa University of the Philippines-Los Baños, pinarangalan sina Romulo Davide at Marcela Navasero dahil sa kanilang ambag sa plant pathology, pest management, at food security programs.
Kabilang din sa listahan si May Anne Mata ng University of the Philippines-Mindanao na kinilala para sa kanyang research sa infectious disease modeling at mathematical biology.
Ayon sa Asia Scientist Magazine, layon ng taunang listahan na kilalanin ang mga siyentistang may malaking ambag sa agham at inobasyon sa Asya, kabilang ang ilang Nobel laureates sa edisyon ngayong taon. #
