Friendster, muling nagbabalik matapos ang ilang taong pagkawala
By Danica Jino, CLTV36
Muling bumabalik sa digital world ang isa sa mga pinaka-iconic na social networking platforms noong early 2000s, ang Friendster, na ngayon ay muling inilulunsad para sa bagong henerasyon ng internet users.
Ayon sa Friendster.com, layunin ng muling pagbabalik ng platform na ibalik ang mas simple at tunay na paraan ng pakikipag-ugnayan online, na malayo sa kasalukuyang social media experience na puno ng ads, algorithm-driven feeds, at spam content. Kasama rin dito ang pangakong hindi ibebenta ang data ng mga gumagamit nito.
Sa ngayon, ang bagong Friendster app ay available pa lamang para sa Apple users. Ang Friendster ay unang inilunsad noong 2002 at naging isa sa mga unang matagumpay na social networking sites sa mundo, na nagbigay-daan sa pag-usbong ng online social interaction bago pa man sumikat ang Facebook.
Taong 2015 nang tuluyang itigil ng kumpanya ang operasyon nito dahil sa pagbaba ng engagement at patuloy na pagbabago sa industriya ng social media.
Sa pagbabalik nito, inaasahang muling mabibigyang pansin ang nostalgia ng early internet era habang sinusubukang makipagsabayan sa modernong digital landscape. #
