FLKI, tinanggap ang hamon ng DAYAW 2026 bilang pakikiisa sa mga katutubo
MAYNILA — Ang karanasan ng mga Kapampangan sa pagkawala ng tahanan at kabuhayan dahil sa pagputok ng Mount Pinatubo ang isa sa mga dahilan kung bakit tinanggap ng Foundation for Lingap Kapampangan, Inc. (FLKI) ang hamon na maging implementing partner ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa DAYAW 2026.
Ito ang binigyang-diin ni Sonia P. Soto, Program Director ng DAYAW 2026 at trustee ng FLKI, sa press conference para sa DAYAW Indigenous Peoples Month at Museums and Galleries Month, na ginanap noong Oktubre 1 sa NCCA Lobby sa Intramuros, Maynila.
“Tinanggap namin ang hamon dahil malapit sa aming karanasan bilang mga Kapampangan ang pinagdaanan ng maraming katutubong pamayanan. Sa pagputok ng Pinatubo, naranasan namin ang pagkawala ng tahanan, kabuhayan, at pagkawalay sa mga komunidad na humubog sa aming pagkatao. Kaya nauunawaan namin ang bigat ng sapilitang paglikas—dulot man ng kalamidad o ng mga gawa at desisyon ng tao,” ani Soto.
“Para sa FLKI, ang DAYAW ay pagkakataong ipakita ang aming pakikiisa: makinig sa mga katutubo, igalang ang kanilang karapatan, at maging katuwang sa pagpapanatiling buhay ng kanilang kultura para sa susunod na mga salinlahi,” dagdag niya.
Sa pagtitipon, inilahad ni Arwin Paul A. Lingat, Vice-Head ng National Committee on Northern Cultural Communities, ang layunin at mga aktibidad ng DAYAW Indigenous Peoples Month. Tinalakay naman ni Maria Teresa B. Rayos del Sol, Head ng National Committee on Art Galleries, ang Museums and Galleries Month.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si Bernan Joseph R. Corpuz, NCCA Deputy Executive Director for Operations. Itinampok din ang pagtatanghal ni Bayang Barrios.
Nagbahagi rin ng mga mensahe sina Jeremy Madroñal ng The House: Legislative Museum at Elinia Imelda Rozelle S. Sangalang, Provincial Tourism Officer ng Cavite. Si Jules Guiang ang nagdaloy ng programa, na kinabibilangan ng open forum para sa media.
Para sa FLKI, ang pagtanggap sa tungkulin sa DAYAW ay pagpapalawak ng pagtataguyod nito sa kulturang Kapampangan tungo sa pakikiisa sa mga katutubong pamayanan at pangangalaga sa magkakaibang pamanang pangkultura ng bansa. #

