First-ever onion cold storage sa Pampanga, pinasinayaan sa Bacolor
Pinasinayaan sa Bacolor, Pampanga nitong Martes, June 2, ang kauna-unahang Onion Cold Storage Facility sa lalawigan na layong palakasin ang industriya ng sibuyas at mapabuti ang kita ng mga lokal na magsasaka.

May kapasidad itong mag-imbak ng hanggang 20,000 sako ng sibuyas. Layunin ng bagong pasilidad na mapanatili ang kalidad ng ani habang binabawasan ang post-harvest losses.
Sa pamamagitan ng cold storage, mas mabibigyan umano ng pagkakataon ang mga magsasaka na hindi agad ipagbili ang kanilang ani at maghintay ng mas magandang presyo sa merkado.

Ang proyekto ay bahagi ng programa ng Department of Agriculture para sa High Value Crops and Onion Industry Development. Dito pinalalakas ang supply chain kasunod ng mga naging pagtaas ng presyo ng sibuyas sa mga nagdaang taon.
Ayon sa mga kinauukulan, karaniwang isang beses lamang sa isang taon ang anihan ng sibuyas at maaari itong itago nang hanggang anim na buwan kung nasa maayos na kondisyon, kaya mahalaga raw ang ganitong pasilidad sa pagpapanatili ng supply.

Kasabay nito, inaasahan din na madaragdagan pa ang onion production sa Bacolor na kasalukuyang may higit 50 hectares na taniman sa ilalim ng Bacolor Onion Growers Association.
Bukod sa pasilidad, siniguro rin ang karagdagang suporta tulad ng mas maayos na transportasyon at distribusyon upang mapabilis ang pagdala ng ani sa mga pamilihan. #
