Alitan ng dalawang pandesal vendor, nauwi sa krimen
Patay ang isang lalaki matapos barilin at pukpukin ng bato ng kapwa niya pandesal vendor sa Barangay Lara, City of San Fernando, Pampanga nitong Sabado, May 30.

Nangyari ang krimen sa harapan ng mismong barangay hall. Bagama’t maraming nakasaksi, hindi agad nakapanghimasok ang mga residente sa takot na madamay sa tensyon dahil nagbanta umano ang suspek na sasaktan ang sinumang makialam.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, matagal nang may alitan ang biktima at ang salarin dahil sa agawan ng ruta sa pagbebenta ng tinapay.
Nabatid din na nagsimula ang kanilang pagtatalo at habulan noong araw na iyon sa Brgy. Calibutbut, Bacolor bago ito humantong sa trahedya sa Brgy. Lara.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek. Kasalukuyan siyang pinaghahanap ng mga otoridad. #
