Ex-PNP Chief Albayalde, umapela sa proteksyon ng gobyerno sa gitna ng posibleng ICC arrest

Nakahanda raw si dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde sakaling iparesto rin siya ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng naging papel niya sa madugong kampanya sa iligal na droga ni former President Rodrigo Duterte.
Kasalukuyan nang nasa The Hague sa Netherlands si Duterte para sa humarap sa ICC matapos siyang ipaaresto nitong Martes, March 11 para sa kasong crimes against humanity.
Sa kanyang pagdalo sa isinagawang rally ng Duterte Supporters sa Salakot (Astro Park) sa Clark gabi nitong Huwebes, March 13, diretsahang sinabi ni Albayalde na nakahanda siyang humarap sa hukuman sakaling ipatawag siya nito. Gayunpaman, umaasa siya na dadaan ito sa wasto at legal na proseso at poprotektahan siya ng gobyerno sa pamamagitan ng umiiral na justice system ng bansa.
Matatandaang iginiit ni Kristina Conti, Sec-Gen ng National Union of People’s Lawyer-NCR at assistant to the legal counsel sa ICC, na posible ring maglabas ng arrest warrant ang korte laban kay Albayalde, gayundin kay dating PNP Chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Samantala, itinuturing naman ni Albayalde na pinakamalungkot na kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte. Aniya, hindi na dapat dinadala sa international court ang isang Pilipino upang litisin dahil may sariling soberanya at umiiral na batas ang bansa.
Si Albayalde ay nagsilbing PNP chief noong panahon ng panunungkulan ni Duterte mula 2018 hanggang 2019. Pinalitan niya si Dela Rosa na nagpasimula ng kampanyang “Oplan Tokhang”. #