Estudyante sa Llanera, arestado sa umano’y bantang pagpapasabog sa isang paaralan
Sa kulungan ang bagsak ng isang 18-anyos na estudyante matapos umanong mag-post ng bomb threat laban sa isang paaralan sa Brgy. San Felipe, Llanera, Nueva Ecija nitong July 27.

Ayon sa Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), agad rumesponde ang mga tauhan ng Llanera Police Station matapos makatanggap ng ulat hinggil sa Facebook post na naglalaman ng umano’y banta ng pagpapasabog sa San Felipe Integrated School.
Nagkasa ng inspeksyon sa paaralan ang mga otoridad kasama ang Provincial Explosives and Canine Unit, Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani.
Batay sa imbestigasyon, ang naturang account ay pagmamay-ari umano ng suspek na residente rin ng nasabing barangay. Inamin daw nito na biro lamang ang naturang post at wala siyang planong gumawa ng karahasan.
Ayon pa sa pulisya, sinabi rin umano ng suspek na ginawa niya ang post upang makansela ang pasok sa paaralan. Sinampahan na siya ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ‘malicious dissemination of false information’ kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012. #
