Endangered Brown Booby, first-time makita sa Aurora
By Raymond Tasoy & Nissa Alfaro, CLTV36 News
Isang pambihirang uri ng seabird na tinatawag na Brown Booby ang matagumpay na nailigtas at naibalik sa wild sa Dilasag, Aurora. Ito ang unang beses na nakita ang ibon sa lalawigan.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), napansin ng isang residente sa Brgy. Masagana na nahihirapang lumipad ang hayop habang nasa dalampasigan. Agad naman itong ini-report sa mga lokal na otoridad.
Walang natagpuang anumang sugat o pinsala sa katawan ang ibon matapos isailalim sa pagsusuri. Dahil dito, pinakawalan siya sa kanyang natural habitat sa Brgy. Dicabasan.
Ipinaalala ng DENR na kabilang ang Brown Booby sa mga itinuturing na endangered species sa bansa sa ilalim ng Administrative Order No. 2019-09 at protektado ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Nanawagan din ang ahensya sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kanila ang anumang makikitang wildlife upang matulungan at mapangalagaan ang mga ito, lalo na ang mga uri na bihira nang makita. #
