Electric pump, gamit ng Telacsan NHS para mapababa ang baha sa campus
Gumagamit ng electric pump ang Telacsan National High School sa bayan ng Macabebe, Pampanga upang mapababa ang baha sa loob ng kanilang campus, lalo na tuwing high tide.

Ayon kay Principal Jojokyle Carencia, may mga pagkakataong maging ang pathway ng paaralan ay inaabot ng tubig. Dahil dito, ilang estudyanteng pumapasok nang nakasapatos ang napipilitang magpaa pag-uwi upang hindi tuluyang mabasa o masira ang kanilang gamit.
Hindi na umano bago sa paaralan ang ganitong sitwasyon dahil matatagpuan ito sa isang mababang bahagi ng coastal community ng Macabebe, kung saan tumataas ang tubig kahit walang malakas na ulan.
Sa kabila ng patuloy na paggamit ng electric pump, hiling ng paaralan ang mas maayos at karagdagang access para sa mga estudyante at guro.
Mahalaga umano ito upang hindi sila maipit sa baha tuwing high tide at panahon ng tag-ulan, at upang masiguro ang ligtas at maayos na pagpasok at pag-uwi ng mga mag-aaral. #
