Egg producers sa Candaba, sinasalanta na ng mataas na presyo ng krudo
Sampung taon na sa industriya ng pag-iitlog si Fernando Torres mula Candaba, Pampanga — isang lugar na kilala sa pag-aalaga ng itik at paggawa ng balut at itlog na maalat.
Para sa kanya, hindi lang ito negosyo kundi kabuhayan na umiikot sa araw-araw na siklo ng produksyon at bentahan.

Sa Pilipinas, ang balut ay isa sa pinakakilalang street food — isa itong fertilized duck egg na inilalaga at karaniwang kinakain sa gabi. Habang ang itlog na maalat ay iniluluto sa asin at ginagamit sa iba’t ibang putahe na pwede ring pang-ulam.
Malaki ang ambag ng mga produktong ito sa lokal na ekonomiya, lalo sa mga lugar tulad ng Candaba. Ngunit sa kabila ng matagal nang karanasan, aminado si Torres na dumaraan ngayon sa matinding pagsubok ang kanilang industriya.
“Bale ngayon, sir, medyo nahihirapan talaga kami sa sitwasyon na ’yan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng petrolyo. Apektado rin kami kasi ’yung mga ide-deliver sana naming maliliit na order, hindi namin maipadala dahil alam naming matatalo lang kami sa konsumo ng gasolina o krudo,.” ani Torres.
Dahil dito, napipilitan umano silang ipunin muna ang mga order bago mag-deliver upang makatipid sa krudo. Pero ang ganitong sistema ay nagreresulta sa pagkaantala ng supply, at minsan ay nagiging dahilan para umatras ang mga customer—“pera na, naging bato pa” ika nga.

Dagdag pa ni Torres, bukod sa mataas na fuel cost, apektado rin sila ng pabago-bagong demand at oversupply sa merkado. May mga pagkakataon ding napipilitan silang magbaba ng presyo para lamang may maibenta.
“Actually po, noon pa mga three months ago talagang nagsa-suffer na kami. Sumobra ang dami ng production ng itlog, tapos lumiit naman ang demand sa market. Kaya wala kaming magawa kundi ibagsak ang presyo para mabili. Hindi kami makaka-survive kung hindi kami sasabay sa malalaking nagbabagsak ng presyo,” saad ni Torres.
Sa ngayon, ayon kay Torres, naglalaro ang presyo ng itlog na maalat sa ₱7 hanggang ₱11.50 depende sa laki.
Sa ganitong antas ng presyo, hindi maiiwasan ang pagkalugi dahil sa mga sirang itlog o hindi naibebentang produkto. Kapag tumagal ng ilang araw at nasira, wala nang magagawa kundi itapon na lamang.

Nitong nakaraang linggo, isang video ang nag-viral kung saan makikita ang ilang trabahador ng isang egg farm sa Candaba na itinatapon ang nabulok na mga itlog. May paliwanag dito ang uploader ng video at may-ari ng farm na nakapanayam ng CLTV36 News.
“Oo, ako ’yon. Pero walang masamang intensyon parang nagvi-video lang ako para sa page promotion. Naghahanap din kami ng market, pero bukod doon, wala nang ibang intensyon. Normal naming ginagawa ’yon; doon ko lang vinideohan. Mas marami pa nga noong nakaraan,” ani Kenidy Ignacio, uploader ng video at owner ng farm.
“Pasensya na po kung hindi ko ipinamahagi, nabulok na kasi. Hangga’t maayos pa ang itlog, ibinibenta namin. Pero kapag bulok na, siyempre itatapon na lang. Gusto naming hangga’t okay pa, maging pera pa rin kahit sa murang halaga,” dagdag niya.
Giit niya, hindi maaaring ipamahagi ang mga sirang itlog dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan.
“Lahat naman ’yan sinabi ko—nagtatapon ako ng mga nabulok na penoy na hindi naibenta. Kapag tumagal, talagang nabubulok. Maaari mo bang ipamigay ’yon? Magpapamigay ka ba ng bulok? Itatapon na lang—iyon ang best solution. Baka mamaya ma-ospital pa ang mabigyan ko, mas malaking abala at gastos pa ’yon,” ani Ignacio.
Aminado naman ang Municipal Agriculture Office ng bayan sa krisis na kinakaharap ng mga nasa industriya ng pag-iitlog.
“Sa kasalukuyan po, ang estado namin dito sa Candaba, maganda pa rin naman ang takbo ng balut at penoy. Kaya lang, wala pong kinikitang maayos ang aming mga producer dahil sa mahal ng fuel. Kasi ang balut at penoy, tine-travel po namin sa iba’t ibang lugar,” ani Jomar Guevarra ng Municipal Agriculture Office.
Nitong Miyerkules, April 15, nagtipon ang Candaba LGU kasama ang mga producer at processor ng itlog, katuwang ang Department of Agriculture Region 3 at Provincial Veterinary Office, upang talakayin ang sitwasyon.

Kabilang din sa mga pinag-usapan ang posibleng tulong sa ilalim ng Kadiwa Program upang maibsan ang gastos sa bentahan at distribusyon.
“Sa tulong po ng regional office, sa pamamagitan ng Kadiwa, magkakaroon sila ng support sa pagbili ng kanilang mga itlog para mai-market ng Kadiwa. Sa ganon, magkakaroon sila ng ibang market na puwedeng mag-consume ng kanilang produkto. Direkta po itong kukunin ng Kadiwa upang mabawasan din ang gastos nila sa fuel,” ani Guevarra.
Sa kabila ng lahat, nananatiling matatag si Torres at ang iba pang nasa industriya. Para sa kanila, ang negosyo ng itlog ay parang gulong—may panahon ng pag-angat at pagbagal.
Ngunit sa gitna ng patuloy na hamon, umaasa silang muling babalik ang sigla ng merkado at giginhawa rin ang kanilang kabuhayan.
“Actually, nandito na kasi kami sa industriyang ito. Ayaw na rin naming sumubok pa ng iba dahil dito na umiikot ang kabuhayan namin. Kapag huminto kami, mahihirapan kaming magsimulang muli. Parang gulong lang din: minsan nasa baba, minsan aakyat sa taas. Hindi naman palaging malaki ang kita, may down din talaga,” pahayag ni Torres. #
