DOH Sec. Teodoro Herbosa, nagbitiw na sa pwesto; Jose “Brix” Pujalte Jr., bagong DOH Chief
Nagbitiw na sa pwesto si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Herbosa na naghain siya ng resignation letter kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. matapos sumailalim sa bilateral knee replacement surgery noong July 7.
Aniya, kailangan niyang makumpleto ang kanyang physical therapy at rehabilitation upang tuluyang maka-recover at hindi maapektuhan ang operasyon ng DOH.
Nagpasalamat din siya sa tiwalang ibinigay sa kanya ng Pangulo bilang ika-30 Kalihim ng Kalusugan, gayundin sa mga opisyal at kawani ng kagawaran.
Sa kanyang pahayag, binanggit din ni Herbosa ang ilang programang isinulong ng DOH sa kanyang panunungkulan, kabilang ang Zero Balance Billing, BUCAS Centers, PuroKalusugan, PhilHealth YAKAP, GAMOT, at eMAIFIP.
Nagbigay rin si Herbosa ng pagbati sa bagong Health Secretary na si Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr., na itinalaga ni PBBM bilang kanyang kapalit.

Si Pujalte ay isang orthopedic surgeon na may mahigit tatlong dekadang karanasan sa public healthcare, hospital administration, at medical education. Nagsimula siyang maglingkod sa DOH noong 1991 at naging Medical Center Chief II ng Philippine Orthopedic Center noong 2014. #
