Diocese of Balanga, nagluluksa sa magkasunod na pagpanaw ng dalawang pari dahil sa sakit sa puso
Binalot ng matinding lungkot at pagkabigla ang Diocese of Balanga sa Bataan matapos magkasunod na bawian ng buhay ang dalawa nitong pari sa loob lamang ng dalawang araw dahil sa atake sa puso.

Kinumpirma ng nasabing diocese ang pagpanaw nina Fr. Ernesto De Leon, 59, noong June 13, at Fr. Tristan Ralf Pacheco, 43, noong sumunod na araw, June 14.
Lubos na naging madamdamin ang idinaos na wake mass nitong Lunes, June 15. Ayon kay Bishop Daniel Presto ng Diocese of San Fernando de La Union, bihirang mangyari sa kasaysayan ng Simbahang Katolika na sabay na nakaburol ang dalawang alagad ng Diyos na nanilbihan sa iisang diocese.
Nagsilbi si Fr. De Leon nang mahigit tatlong dekada sa simbahan at naging parish priest ng St. Peter Martyr of Verona Parish sa bayan ng Balanga.
Maliban dito, nanungkulan din siya bilang executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Evangelization and Catechesis (ECEC) hanggang noong November 2025. Kilala siya sa kanyang masugid na dedikasyon sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos at katekismo sa bansa.
Samantala, bago pa lamang sa kanyang ministeryo si Fr. Pacheco na naordinahan noong October 1, 2025 at nagsisilbi bilang priest-in-charge sa Bataan Peninsula State University (BPSU).
Iniwan niya ang kanyang matagumpay na karera bilang isang lisensyadong guro at civil engineer upang tugunan ang tawag ng pagpapari, na tumagal lamang nang wala pang isang taon dahil sa kanyang maagang pagpanaw.
Inilarawan ng pamunuan ng simbahan ang pagkawala ng dalawa bilang isang malaking kabawasan sa kanilang diocese.
“They are a loss to the diocese… but they are now there, praying for us,” ani Bishop Presto sa kanyang homily sa isinagawang wake mass. #
