Digital payout ng ayuda, isinusulong kasunod ng pagkuwestiyon sa kasalukuyang sistema ng pamamahagi
Mahahabang pila, matinding sikat ng araw, at matagal na paghihintay ang karaniwang sinusuong ng mga nasa transport sector para lamang makakuha ng cash aid mula sa pamahalaan.
Sa ilang payout sites na inikot ng CLTV36 News sa Central Luzon, karaniwan nang makikita ang senior citizens, drivers, at iba pang apektado ng krisis na nagtitiis sa mahabang queuing.
Dagdag pasakit pa sa ilang transport groups, gaya ng TNVS drivers, ang sistema na kinakailangan pang bumiyahe sa Quezon City upang makahabol sa payout ng fuel subsidy.
Nito lamang weekend, nauwi sa trahedya ang rollout ng cash aid matapos masawi ang isang motorcycle taxi rider sa kasagsagan ng payout, bagay na nagpalakas ng panawagan para sa mas maayos at makataong sistema ng pamamahagi.
Samantala, sa Brgy. San Jose, Angeles City, may ibang paraan para maiwasan ang dagsa at siksikan. Hindi pinili kung colorum, TNVS driver, o regular na transport worker basta’t residente ng lugar ay isinama raw sa payout program.
Ayon kay Kap. Harry Castro, direkta nang ipinapamahagi sa pamamagitan ng voucher ang ayuda upang ma-claim ito sa gasolinahan sa oras na nais ng benepisyaryo, sa halip na magbabad sa pila. Bukod sa gasolina, may nakalaan ding suporta para sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente.
Sa naunang panayam ng CLTV36 News kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, sinabi niyang target ng pamahalaan ang digital payout system sa mga susunod na rollout.
Aniya, pansamantala lamang ang face-to-face distribution upang masiguro ang beripikasyon ng masterlist mula sa mga local government unit at matiyak na lehitimong benepisyaryo ang makatatanggap ng ayuda. #
