Death toll sa nasunog na ferry sa Palawan, umakyat na sa 76; 2 Kapampangan, nakalistang pasahero ng barko
Umabot na sa 76 katao ang kumpirmadong nasawi sa nasunog na passenger ferry sa karagatan ng Palawan as of September 13, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Gabi noong Miyerkules, September 9, nang magliyab ang MV June Aster habang papalapit sa bayan ng Coron galing Maynila. Batay sa datos ng PCG, 134 ang nakalistang pangalan sa passenger manifest, kung saan 13 ang hindi pa natutukoy habang dalawa naman ang naiulat na hindi umano sumakay sa nasabing barko.

43 na pasahero naman ang nakaligtas at ginagamot sa mga ospital bunsod ng iba’t ibang injury, ayon pa sa PCG.
Dalawa rin sa mga nakalistang pangalan sa manifesto ay pawang mga residente ng Angeles City. Kinumpirma ni City Information Officer Jay Pelayo IV na taga-Brgy. Sto. Domingo at Pulung Maragul ang dalawang indibidwal na sa ngayon ay hindi pa tukoy ang kalagayan.
Nilinaw naman ni Pelayo na ang kanilang pagkakasama sa listahan ng mga pasahero ay hindi nangangahulugang kabilang sila sa mga nawawala o nasawi.
Samantala, patuloy naman ang pagbibigay ng pagkain, transportation at cash assistance ng Atienza Interisland Ferries, Inc., ang operator ng MV June Aster, sa mga kaanak ng biktima ayon sa Department of Transportation (DOTR).
Inatasan na rin umano ni Transportation Sec. Banoy Lopez ang transport officials na tiyaking tutupad ang may-ari ng barko sa kanyang mga obligasyon sa mga biktima at kanilang pamilya. #
