353 kaso ng leptospirosis, naitala sa JBLMGH
Umabot na sa 353 ang mga kaso ng leptospirosis na naitala sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) sa Pampanga, bunsod ng patuloy na pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan.
Sa panayam sa Abak na Balen nitong Biyernes, September 11, ibinahagi ni Dr. Monserrat Chichioco, Medical Chief ng JBLMGH, na patuloy pa ring dumarating sa ospital ang mga pasyenteng may leptospirosis.

Ayon kay Chichioco, kabilang sa mga tinatanggap ng ospital ang mga moderate, severe at critical cases, na nangangailangan ng masusing atensiyong medikal.
Aniya, dahil ito sa nananatiling baha sa ilang lugar, na naglalagay sa mga residente sa panganib na ma-expose sa kontaminadong tubig.
May mga naitala na ring namatay dahil sa sakit, kung saan nasa 4.82% ang mortality rate batay sa kabuuang mga pasyenteng na-admit sa ospital.
Dahil mabilis lumala ang leptospirosis at maaari itong maging life-threatening, patuloy raw na nagdadagdag ng mga kama ang JBLMGH para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang gamutan.
Binigyang-diin ni Chichioco na kabilang sa maaaring idulot ng malubhang leptospirosis ang pinsala sa bato, atay at baga. Karaniwan naman sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, at pamumula ng mga mata.
Bukod sa leptospirosis, nakapagtala rin ang JBLMGH ng 192 kaso ng dengue mula January 2026, habang isang kaso naman ng cholera ang naitala nitong nakaraang linggo.
Patuloy ring binabantayan ng ospital ang influenza-like illness at iba pang waterborne diseases bilang bahagi ng health monitoring sa gitna ng pagbaha.
Paalala ni Chichioco, mahalagang agad magpatingin ang mga nakaranas ng sintomas matapos ma-expose sa baha, lalo na kung nagpapatuloy ang lagnat nang dalawa hanggang tatlong araw, upang maagapan ang posibleng paglala ng kondisyon. #
