Cash aid kapalit ng personal info, pinabulaanan ng DSWD
Huwag maniwala sa kumakalat na chat messages na nangangako ng cash assistance kapalit ng personal na impormasyon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Makikita sa screenshot na ibinahagi ng ahensya ang isang mensahe na nanghihingi ng cellphone number sa recipient para maisama umano sa listahan ng mga benepisyaryo.

Nilinaw nila na fake ang mensahe at hindi ito bahagi ng kanilang sistema sa pag-abot ng tulong. Hindi rin daw sila humihingi ng detalye sa pamamagitan ng chat o private message.
Dagdag pa nila, kung may hinihinging kapalit, nararapat lang na magduda dahil dito umano kadalasang nagsisimula ang panloloko.
“Maging mapanuri sa mga ganitong paraan at iwasan ang pagbabahagi ng inyong impormasyon nang hindi sigurado sa pinanggagalingan,” giit ng ahensya.
Kung nais mag-avail ng kanilang programa, maaari raw makipag-ugnayan sa DSWD field offices, Local Social Welfare and Development Office (LSWDO), at sa kanilang official Facebook page at website.
“Tandaan, walang backer, walang bayad at dumadaan sa tamang proseso ang tulong ng DSWD,” paliwanag ng ahensya. #
