Bagong patakaran sa suspensyon ng klase, imumungkahi ng DepEd
Nais ng Department of Education (DepEd) na baguhin ang kasalukuyang sistema ng pagsususpinde at pagpapatuloy ng klase upang mabawasan ang learning loss dulot ng mga kalamidad at weather disturbances.
Kaugnay diyan, maghahain daw ang kagawaran ng panukalang Executive Order matapos aprubahan ng Social Development Committee (SDC) Cabinet Cluster ang panukalang rebisyon sa Executive Order 66, Series of 2012.
Ayon sa DepEd, umabot na sa tinatayang 20 hanggang 40 days ang instructional loss mula June 8 hanggang August 31 dahil sa mga pagsususpinde ng in-person classes.
Sa kasalukuyang guidelines sa ilalim ng DepEd Order No. 022, Series 2024, may automatic suspension sa ilang sitwasyon gaya ng partikular na Tropical Cyclone Wind Signals at matataas na rainfall o flood warnings.
May kapangyarihan din ang local chief executives at school heads na magpatupad ng localized suspension depende sa akwal na panganib sa kanilang lugar.
Pero sa bagong panukala, nais ng tanggapan na palakasin pa ang granular o site-specific na suspension at resumption upang hindi kinakailangang pare-pareho ang desisyon sa lahat ng lugar.
Layon daw nitong maprotektahan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel habang naiiiwasan ang hindi kailangang pagkaantala sa pag-aaral.
Tatlong mekanismo ang ipatutupad dito. Una, ang automatic suspension batay sa national technical thresholds o itinakdang pamantayan o cut-off point ng gobyerno batay sa siyentipiko at teknikal na datos. Pangalawa, localized suspension na pagpapasyahan naman ng local chief executives, at pangatlo ang granular suspension at resumption na magbibigay-kapangyarihan sa mga school head batay sa ground conditions at koordinasyon sa local government units.
Samantala, palalawakin din ng DepEd ang mga hazard na saklaw ng polisiya, kabilang ang malakas na ulan, pagbaha, lindol, storm surge, volcanic smog at hazards, poor air quality, at matinding init na may 40 degrees Celsius o higit pang heat index. #
