Bagong passenger system, ilulunsad ng Bureau of Immigration
Inihahanda na ng Bureau of Immigration (BI) ang paglulunsad ng Advance Passenger Information System (APIS)—isang makabagong hakbang sa pagpapalakas ng border security at pagpapadali ng proseso sa immigration.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing makabago at digital ang mga serbisyo ng gobyerno para sa mas pinahusay na pambansang seguridad.
Ayon kay BI APIS Operations Center (APOC) Chief at Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, layunin ng APIS na i-screen ang mga pasahero bago pa sila dumating sa bansa upang mapabuti ang pagsusuri sa panganib at mapabilis ang proseso para sa mga lehitimong biyahero.
Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang pilot testing nito kasama ang mga pangunahing airline gaya ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific, pati na rin ang kanilang mga service provider.
Matagumpay na ring naisagawa ang connectivity tests ng APIS sa I-24/7 database ng INTERPOL para sa mas mahusay na pag-monitor ng mga posibleng banta sa seguridad.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang BI sa iba’t ibang ahensya gaya ng INTERPOL, airline representatives, at United Nations Office of Counter-Terrorism (UN OCT) upang matiyak ang maayos na integrasyon ng APIS sa kasalukuyang sistema ng immigration.
Ang APIS ay nakatakdang ilunsad ngayong Marso bilang bahagi ng “Bagong Immigration” vision ng BI, na sumusuporta sa adhikain ng administrasyong Marcos para sa isang Bagong Pilipinas. #