Angeles City, tanging lungsod sa Central Luzon na pasok sa Oxford Economics Top 1,000
By Noel Celeste, CLTV36 News
Nakapasok sa Rank 388 sa buong mundo ang Angeles City sa 2026 Oxford Economics Global Cities Index, batay sa pinakabagong ranking na inilabas ng Oxford Economics.
Umakyat ng 100 na bilang ang lungsod mula sa ika-488 na puwesto nito noong 2025. Rank 2 naman ito sa siyam na lungsod ng Pilipinas na kasama sa Top 1,000 ngayong taon.
Sa Central Luzon, ang Angeles City lamang ang lungsod na nakapasok sa Top 1,000 na sinuri ng Oxford Economics.
Nakapagtala ang Angeles City ng 47.0 overall score. Pinakamataas ang marka nito sa Environment na 65.2, sinundan ng Quality of Life na 53.1, Governance na 52.9, Human Capital na 48.3, at Economics na 42.9.
Nauna lamang sa Angeles City ang Manila na nasa Rank 174 sa global ranking, habang sinundan ito ng Davao City sa ika-470 at Cebu City sa ika-474 na puwesto.
Ayon sa Angeles City Information Office, itinuturing ng lokal na pamahalaan ang pag-angat sa ranking bilang indikasyon ng patuloy na pag-unlad ng lungsod, kasabay ng pagpapatuloy ng mga programa para sa serbisyo publiko, ekonomiya, kapaligiran, at kalidad ng buhay.
Dagdag ng LGU, nagsisilbi rin itong panukat sa mga larangang kailangan pang pagbutihin upang mapanatili ang paglago ng lungsod. #
