₱20-M alahas, nilimas sa jewelry store sa Malolos; 5 suspek, arestado
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Aabot sa humigit-kumulang ₱20 million na halaga ng mga alahas ang tinangay mula sa isang jewelry store sa Brgy. Lugam, Malolos, Bulacan noong October 1.
Sa CCTV footage, makikitang unang pumasok ang dalawang suspek na nagpanggap bilang mga customer at nagdeklara ng holdap, na sinundan naman ng dalawa pang kasabwat.
Nilimas ng grupo ang naka-display na mga alahas sa loob lamang daw ng dalawang minuto bago tumakas sakay ng motorsiklo at lumipat sa isang itim na SUV na ginamit bilang getaway vehicle.
Batay sa imbestigasyon ng Police Regional Office 3, napag-alamang matagal nang minamanmanan ng grupo ang nasabing tindahan.
Limang suspek ang nasa kustodiya ng Malolos City Police matapos ang magkakahiwalay na operasyon, habang patuloy naman ang pagtugis sa iba pang sangkot sa krimen.
Nahaharap sa kasong robbery ang mga naaresto at iba pang mahuhuling suspek.
Sa Facebook post ng jewelry store, ibinahagi ng owner na trauma at takot ang dinanas ng lahat ng mga admin at guwardiya dahil sa pangyayari. Isa raw sa security guard ang nagtamo ng sugat sa ulo.
Nilinaw rin nilang walang kasabwat o sangkot sa nangyaring insidente mula sa kanilang staff. Wala pa raw anumang alahas na na-recover, as of October 6. #

