Alas beach volleyball team, maglalaro sa finals ng 33rd SEA Games

Maglalaro sa kauna-unahang pagkakataon ang Team Pilipinas sa gold medal match sa women’s beach volleyball ng 33rd edition ng Southeast Asian Games sa Thailand.
Pinangunahan ng Alas Beach pair na sina Sunnie Villapando at Dij Rodriguez, at ng “Sipons” duo na sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ang laro matapos talunin ang mga Vietnamese rival para makuha ang pwesto sa finals ng torneo.
Ito ang ikaapat nilang panalo sa laban, kaya’t nakatitiyak na ang mga manlalaro ng Alas Beach na hindi bababa sa silver medal ang kanilang makukuha. Ito na ang pinakamagandang resulta nila sa kasaysayan ng SEA Games.
Sa kanilang elimination round, tinalo nina Pons at Rondina ang Vietnamese duo sa tatlong set sa scores na 21-18, 15-21, 15-10.
Samantala, nakipagsabayan naman sina Villapando at Rodriguez sa isa pa nilang laban at nakuha ang ticket sa finals matapos ang scores na 22-20, 19-21, 15-10.
Sa finals, haharapin ng Pilipinas ang defending champion na Thailand, na nanatiling unbeaten matapos talunin ang Singapore sa kanilang elimination match.
Magkakaroon din ng preview match ang dalawang bansa sa Miyerkules, December 17, bago ang gold medal showdown sa Biyernes, December 19.
Matapos hindi makapasok sa podium noong 2023 SEA Games sa Cambodia, mas mataas ang target ngayon ng Pilipinas at determinadong makuha ang una nitong gintong medalya. #
