Aby Maraño, nagretiro na sa pro volleyball matapos ang 22 taon
Nagtapos na ang makasaysayang karera sa court ng beteranong middle blocker na si Aby Maraño o mas kilala bilang ‘Tyang Aby’ matapos niyang ianunsyo ang opisyal na pagreretiro makalipas ang 22 taong paglalaro.

Sa kanyang pahayag, inamin ni Maraño na hindi naging madali para sa kanya ang desisyon, pero matagal na aniya niya itong pinag-isipan.
Nilinaw din ng 33-year old volleyball star na hindi injury ang dahilan ng kanyang pag-alis.
Matapos ang kanyang kontrata sa Nxled, naramdaman daw ni Maraño na panahon na para simulan ang panibagong kabanata sa kanyang buhay.
Bago sumabak sa pro ranks, naging haligi muna si Maraño ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa UAAP. Naging susi siya sa three-peat championship ng koponan mula Season 73 to Season 75, bukod pa sa dalawang sunod na Most Valuable Player award noong 2012 at 2013.
Dinala niya ang kanyang liderato sa professional league kung saan naging bahagi siya ng ilang club teams, kabilang ang F2 Logistics, Chery Tiggo at Nxled.
Naging bahagi rin siya ng Philippine Women’s National Volleyball Team at nagsilbi bilang matikas na team captain sa ilang international competitions.
Sa loob ng kanyang career, dito na nakilala si Maraño sa kanyang laro bilang isang beteranong middle blocker at sa kanyang papel bilang leader sa loob ng court.
Samantala, hindi pa rin naman daw lubusang lalayo si Maraño sa volleyball.
Kasunod ng kanyang retirement, magpapatuloy si Maraño sa corporate world ng F2 Logistics para sa business development ng samahang kanyang kinatawan noon bilang manlalaro. #
