2 senior citizen, nabiktima umano ng scam sa Pantabangan, Nueva Ecija
By Noel Celeste, CLTV36 News
Dalawang senior citizen ang umano’y nabiktima ng scam sa Barangay Sampaloc, Pantabangan, Nueva Ecija, nitong Huwebes, September 17.
Ayon sa information office ng barangay, dalawang indibidwal ang nagpakilalang tauhan ni Mayor Monaliza Agdipa at nagsabing may ipamamahaging ayuda kinabukasan. Dahil dito, nakapasok ang mga suspek sa bahay ng mga biktima at nakuhanan ng larawan ang loob nito, pati na ang kanilang mga valid ID.


Matapos ang insidente, napag-alamang nawawala ang pera sa wallet ng mga biktima at isang cellphone.
Pinaalalahanan ng barangay ang mga residente na huwag basta magpapapasok ng hindi kilalang tao sa kanilang tahanan at huwag magbigay ng personal na impormasyon o gamit sa mga hindi otorisadong indibidwal.
Nilinaw rin ni Mayor Agdipa sa isang Facebook post na hindi gawain ng kanyang tanggapan ang ganitong paraan ng pag-iinterview. Nanawagan din siyang agad i-report sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang pangyayari sa kanilang lugar. #
