₱900-M para sa rehabilitasyon ng Sto. Cristo Dam, target sa 2027
Inaasahang sisimulan sa unang quarter ng 2027 ang procurement process para sa rehabilitasyon ng Sto. Cristo Dam sa Lubao, Pampanga, na napinsala ng malakas na pag-ulan noong kasagsagan ng habagat.

Naghahanda na ang National Irrigation Administration (NIA) ng tinatayang ₱900 million na pondo para sa repair at improvement ng dam.
Ayon kay NIA Region 3 Acting Regional Manager Christian Manalo, isinumite na sa NIA Board ang panukalang pondo para maisama sa budget, habang inihahanda na rin ang mga requirement para sa procurement.
Samantala, naglaan naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng ₱49.9 million para sa ongoing repair at maintenance ng revetment at road dike sa Gumain-Porac Diversion Channel malapit sa dam.
Matatandaang nawasak ang slope protection at retaining wall ng Sto. Cristo Dam sa Barangay Sta. Rita noong August 28 matapos hindi kayanin ang volume ng tubig mula sa upstream.
Nakadagdag din umano sa matinding pinsala ang mga troso, sanga, at iba pang forest debris na natangay mula sa bundok at humarang sa mga floodgate. Nagresulta ito sa paglihis ng agos at pagkagiba ng ilang bahay sa lugar.
September 2, 2026 naman nang bumisita sa lugar si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para mag-inspeksyon. Ipinag-utos niya ang pagtatayo ng sabo dam sa upstream para saluhin ang mga troso at iba pang debris at maiwasan ang paulit-ulit na pagbaha sa Lubao.
Habang inilalatag ang mga pangmatagalang infrastructure projects na ito, nagpapatuloy naman umano ang assistance at relocation programs para sa mga pamilyang naapektuhan. #
